Aminado si Coco Martin na matindi ang kanyang pagrespeto at paghanga kay Direk Brillante Mendoza.
Parehong direktor na ngayon sina Coco at Direk Brillante, kaya sa screening at mediacon ng pelikulang Apag ay inusisa ang premyadong aktor kung nagpapalitan ba sila ng mga idea bilang direktor.
Nakangiting esplika ni Coco, “Wala, ang ginagawa ko, inoobserbahan ko siya, inaaral ko siya kung paano siya… kasi like ito may dalawa akong pelikulang ginawa kay Direk Dante, talagang kapag nandoon ako sa set, kagaya noong dati pa, noong nagsisimula pa lang ako sa kanya bilang artista, talaga siguro yung paghanga at pagrespeto ko sa kanya ay nandoon.
“Nandoon lang ako ino-observe ko siya, hindi ko siya ginugulo, tinitignan ko lang kung paano niya ginagawa.”
Pagpapatuloy pa ng star ng Batang Quiapo, “Kasi sabi ko nga, isa ako sa tagahanga niya talaga, eh. Honestly sobra akong hiyang-hiya kapag sinasabi akong direktor.
“Ako naman kasi, ang pagiging direktor ko lang, dahil sa kagustuhan ko, raket, another income… Pero nahihiya ako kapag sinasabi pong direktor, kasi iba ‘yung respeto sa direktor, eh.
“Ako, sinasabi ko lang naman, kahit paano nakakapag-direk, pero sabi ko kapag nandiyan si Direk Dante… actually, iyong mga pelikula ko hindi ko sinasabi na, ‘Direk panoorin mo nga yung pelikula ko kung maganda?’ Kasi nahihiya ako, eh.
“Kasi alam ko na parang, siyempre, ang layo-layo ng gawa niya sa gawa ko. Siguro ‘yung bilang pagrespeto na lang, eh.”
Ano ang pakiradam kapag sinasabing halos kasing galing na siya ni direk Brillante?
“Hindi po totoo iyon, hahaha! Kasi, iba po talaga ang husay ni Direk Dante. Ako po ay tagahanga at estudyante niya lang, malayong-malayo po,” nakangiting sambit pa ni Coco.
Ang Apag ay salitang Kapampangan na ang ibig sabihin ay hapag o hapag kainan.
Ang pelikula na pinamahalaan ng award winning director na si Direk Brillante, ay isang family drama na magpapakita ng katatagan ng isang pamilya, guilt, justice, at ang kakayahan ng tao na magsakripisyo para sa kanyang mahal sa buhay at magpatawad. Makikita rin dito ang pag-highlight sa local food, relihiyon, at family values.
Nagbago ang buhay ng dalawang pamilya nang nagkaroon ng vehicular accident na ikinamatay ng isang trike driver. Dito na magsisimula ang pagkakaroon ng kaugnayan ang buhay ng dalawang pamilyang ito.
Bukod sa kaabang-abang ang ending ng Apag, pawang magagaling ang mga artista rito sa pangunguna ni Coco. Tampok din dito sina Gladys Reyes, Lito Lapid, Jaclyn Jose, Gina Pareño, at Shaina Magdayao.
Ang Apag ay prodyus ng Hongkong International Film Festival Society at Center Stage Productions.
Mula sa panulat ni Arianna Martinez, kasama rin sa pelikula na isang pa-tribute ni Direk Brillante sa mga kapwa niya Pampangueño, sina Julio Diaz, Vince Rillon, Joseph Marco, Mark Lapid, Ronwaldo Martin, at Mercedes Cabral.
Mapapanood na ang Apag simula sa April 8 bilang bahagi ng unang Summer Metro Manila Film Festival.
The post Coco Martin admits he’s a fan of Brillante Mendoza appeared first on PSR.ph.
Coco Martin admits he’s a fan of Brillante Mendoza
Source: Happy Pinas News