Newbies star in new Brillante film

Pawang newcomers ang mga bida sa pelikulang Palitan na sina Jela Cuenca, Cara Gonzales, Luis Hontiveros, at Rash Flores.

Palabas na ngayon ang pelikula nila sa Vivamax na mula sa pamamahala ng internationally-acclaimed director na si Brillante Mendoza.

Bakit Palitan ang title nito?

Tugon ni Cara, “Nagpapalitan kasi kami ng partners dito sa movie, may mga sex scene sa movie namin, pero may aral po sa story.

“Ang role ko rito ay si Jen, isang lesbian na hindi matangap ng father ko ang pagiging lesbian ko. Basta po ang ganda ng story kaya dapat nilang abangan.”

Dagdag pa niya, “Sobrang challenge po sa akin ito, actually, ang hirap ng character ko bilang lesbian dahil never pa po ako nagkaroon ng experience sa sex sa kapwa ko girl. Kaya inaral namin talaga, nagkaroon kami ng guide kay Direk at nag-interview kami sa mga may experience sa ganoon, nag-research din kami para may idea kami sa gagampanang role.”

Sa toong buhay, may posibilidad ba na ma-in-love siya sa isang lesbian?

Esplika ng tisay na si Cara, “Para sa akin po kasi, ako ay naniniwala na hindi mo masasabi kung ano ang future mo, eh. So, ako sa ngayon, sa lalaki talaga, pero hindi natin masasabi talaga kung ano ang darating sa atin.”

Ano ang na-feel nila nang nalaman na si Direk Brillante ang magiging director ng Palitan?

Tugon ng 23 year old Pinoy-Pakistani na si Rash, “Siyempre noong una po ay natakot ako, kasi baguhan pa lang po ako. Tapos biglang makaka-work mo ang isang international director at award winning director. Siyempre kinakabahan ako na baka mapagalitan ako, baka mataray ito… ganoon ang una kong ano kay Direk Brillante.

“Pero nang naka-work ko na siya, parang ang layo pala ng iniisip ko noong una. Hindi pala siya ganoon, napaka-cool niyang director at tutulungan ka niya talaga para maitawid ang mahihirap na eksena.”

Pagpapatuloy pa ni Rash, “Alam mo iyon? Para sa akin, hindi siya direktor doon, parang tatay ko nga siya. Nararamdaman ko po yung ano niya, na gusto ka niya talagang umangat as an artist. Napakabait talaga niya.”

Saad naman ni Cara, “Sobrang cool niyang makatrabaho, Unlike sa first expectations ko bago ko siya ma-meet, akala ko ay istrikto siya at mahirap siyang maging friend na director, na parang mahirap siyang lapitan.

“Pero nang nakilala namin siya, sobrang cool niya. Hinahayaan niya ang mga artista niya na maging comfortable muna bago ang shooting.”

May mga director na naninigaw, nasigawan ba siya ni Direk?

Tugon ni Cara, “Ako never pa niya akong nasigawan at sa kanya, kapag trabaho trabaho talaga. Si Direk Brillante ay isang director na hindi siya nagbibigay ng script, hinahayaan niya ang mga artista niya na mag-isip din.

“Nagbibigay din siya ng script, pero yung script namin ay nagbibigay din kami ng idea kung paano namin ito ide-deliver.”

Dagdag pa ng aktres, “Si Direk Brillante ay isang kakaiba talagang director, isa itong pelikula para ipagmalaki talaga namin, na naging casts kami, dahil kinuha kami ng isang Direk Brillante sa pelikulang ito.”

Makikita sa bagong obra ni Direk Brillante ang ukol sa apat na taong pinagtagpo ng pag-ibig, pagkakaibigan, at tawag ng laman. Ang Palitan ay isang upcoming GL (Girls love), sexy-thriller na pelikula na mapapanood sa Vivamax.

Kuwento ito ni Jen (Cara), isang openly bisexual na babae at ang kinakasamang si James (Luis), na may pinagdadaanang depresyon.

Magulo at komplikado ang kanilang relasyon ngunit nagagawan pa rin nila ng paraan na hindi bumitaw sa isa’t-isa.

Para makalimot at makapahinga sa problema ng pandemic, magpupunta sila sa probinsiya ni Jen, pero ang sasalubong pala sa kanila ay isang tao mula sa nakaraan ni Jen na kailanman ay hindi niya nakalimutan, ang tunay niyang pag-ibig, si Marie (Jela), na ngayon ay ikakasal na sa kanilang kaibigan na si Al (Rash).

Magkikita-kita at magre-reunion ang apat, na mauuwi sa isang mainit at mapusok na gabi sa pagitan nina Jen, James, Marie, at Al. Hahayaan nila ang mga sarili na magpadala sa kinikimkim nilang pagnanasa sa isa’t-isa.

Higit sa mga mapupusok at sexy na mga eksena, may mga aral din patungkol sa buhay ang pelikulang Palitan, ang tanggapin kung sino ka talaga, humingi ng tulong upang kalabanin ang mga problema, lumaban sa mapanghusgang mundo, at maniwala at manalig sa mga sariling desisyon.

Ilan lang ito sa maraming bagay na mapupulot sa panonood ng pelikulang ito.

The post Newbies star in new Brillante film appeared first on PSR.ph.



Newbies star in new Brillante film
Source: Happy Pinas News

Post a Comment

Previous Post Next Post